GABAY SA PUBLIKO SA PAG-IWAS SA COVID-19

GABAY SA PUBLIKO

MGA PANGUNAHING ALITUNTUNIN SA PUBLIKO SA PAG-IWAS SA COVID-19


A. MGA DAPAT GAWIN KUNG TINGIN MO AY POSITIBO KA SA 2019-NCOV INFECTION:

  1. Manatili sa bahay, maliban na lamang kung ikaw ay pupunta sa doktor.
  2. Kung maaari ay huwag munang makihalubilo sa ibang mga kasama sa bahay. Manatiling nakahiwalay sa isang kwarto at kung posible,  gumamit din ng ibang kubeta.
  3. Bago magpakonsulta sa doktor, ipagbigay alam muna sa kanila na ikaw ay posibleng mayroong 2019-nCoV infection.
  4. Magsuot ng face mask kung ikaw ay nasa iisang kwarto kasama ang ibang tao, o kung ikaw ay bibisita sa iyong doktor.
  5. Takpan ang iyong bibig at ilong gamit ang tisyu o panyo kung ikaw ay uubo o babahing, o kaya naman ay gamitin ang manggas ng iyong damit.
  6. Hugasan ang iyong kamay nang mabuti at madalas gamit ang sabon at tubig sa loob ng 20 segundo. Kung walang sabon at tubig, gumamit ng alcohol-based na sanitizer. Iwasan ding hawakan ang mata, ilong, at bibig lalo kung hindi pa hugas ang kamay.
  7. Iwasan munang makisalo sa paggamit ng mga kagamitan sa bahay gaya ng plato, baso, tasa, kutsara’t tinidor, atbp.
  8. Bantayan ang iyong mga sintomas at magpakonsulta na sa doktor kung lumalala ang iyong sakit (hal. nahihirapang huminga).


B. MGA DAPAT GAWIN KUNG IKAW AY NAG-AALAGA/MAY KASAMA SA BAHAY NA POSIBLENG MAYROONG 2019-NCOV INFECTION:

  1. Siguruhing magagabayan at matutulungan mo ang iyong pasyente na sumunod sa mga payo ng kanyang doktor.
  2. Kung maaari, ang mga tao lamang na maaaring tumulong sa pasyente ang panatilihing kasama niya sa bahay. Ang ibang kasama sa bahay ay dapat munang ihiwalay ng kwarto sa pasyente, lalo na ang matatanda at mga taong mahina ang resistensya. Limitahan din ang pagtanggap ng mga bisita.
  3. Siguruhing maayos ang daloy ng hangin sa bahay na pinananatilihan ng pasyente.
  4. Maghugas ng kamay nang mabuti at madalas gamit ang sabon at tubig sa loob ng 20 segundo. Kung walang sabon at tubig, gumamit ng alcohol-based na sanitizer. Iwasan ding hawakan ang mata, ilong, at bibig lalo kung hindi pa hugas ang kamay.
  5. Gumamit ng disposable na face mask, gown, at gloves  kapag hahawakan ang pasyente. Siguruhing maayos itong itatapon, at hugasang muli ang kamay pagkatapos nito.
  6. Iwasan munang makisalo sa pasyente sa paggamit ng mga kagamitan sa bahay gaya ng plato, baso, tasa, kutsara’t tinidor, atbp. 
  7. Linisang mabuti ang high-touch surfaces gaya ng counters, ibabaw ng mesa, doorknobs, mga telepono, atbp. araw-araw. Linisin din ang mga surfaces na may dugo, body fluids, o iba pang excretions.
  8. Hugasang mabuti ang mga labahin. Agad hubarin ang mga damit o beddings na may dugo at iba pang secretions. Gumamit ng gloves  sa pag-alis ng mga ito, at hugasan agad ang kamay matapos alisin ang gloves .
  9. Ilagay lahat ng mga disposed na gloves , gowns, at face masks sa isang hiwalay na lalagyan o plastik bago itapon kasama ng iba pang basura. Maghugas agad ng kamay matapos ito
  10. Bantayang mabuti ang sintomas ng pasyente. Kapag mas lalong sumasama ang kanilang lagay, tawagan agad ang kanyang doktor. Siguruhing ipagbigay alam muna sa doktor na ang pasyente ay posibleng infected ng 2019-nCoV.

C. MGA DAPAT GAWIN KUNG IKAW AY MAY NAKASALAMUHANG HINIHINALAANG MAY 2019-NCOV INFECTION:

  1. Bantayan ang iyong kalusugan mula sa unang araw na nakasalamuha mo ang nasabing tao na may sintomas hanggang sa 14 na araw matapos nito. Bantayan ang sarili mula sa mga sumusunod: lagnat, ubo, hirap sa paghinga, sore throat, sakit ng katawan, sakit ng ulo, pagkahilo, pagtatatae, atbp.
  2. Kung ikaw ay nagpakita ng isa o higit pa ng mga sintomas na ito, sundan lamang ang prevention steps para sa mga nag-aalaga/may kasama sa bahay na posibleng mayroong 2019-nCoV ARD infection (nakadetalye sa itaas). Agad ding tawagan ang iyong doktor, at abisuhan muna ito ukol sa iyong kondisyon bago pa pumunta sa kanyang klinik o ospital.
  3. Kung ikaw naman ay walang sintomas, hindi na kailangang mag-alala.

D. MGA PAMAMARAAN UPANG MAIWASAN ANG PAGPASA NG SAKIT MULA SA HAYOP PATUNGO SA TAO, LALO SA MGA PAMILIHANG MAY BUHAY NA MGA HAYOP:

  1. Para sa publiko o sinumang bumibisita sa mga palengkeng may buhay na hayop o iba pang produktong hayop:
    1. Panatilihing malinis ang pangangatawan at laging maghugas ng kamay matapos humawak sa mga hayop.
    2. Iwasang hawakan ang mga mata, ilong, o bibig gamit ang kamay.
    3. Iwasang lumapit o humawak sa mga hayop na may sakit o bulok/panis na mga produktong galing sa hayop.
    4. Huwag lumapit o humawak ang mga hayop na posibleng nakatira sa palengke (hal., ligaw na aso’t pusa, ibon, daga, paniki)
    5. Iwasang lumapit o humawak sa mga dumi galing sa hayop na posibleng kontaminado.
    6. Iwasan ang pagkain ng hilaw o hindi gaanong luto na mga produktong galing sa hayop. 
  2. Para sa mga taong mayroong karamdaman: Ang mga taong may karamdaman o mahina ang resistensya ay mariing pinaiiwas sa mga palengkeng may buhay na mga hayop, ligaw na mga hayop o wild animals, at pinagbabawalan ding kumain ng hilaw na karne.
  3. Para sa mga manggagawa sa katayan, mga beterinaryo na nag-iinspeksyon sa mga palengke, mga nagtatrabaho sa palengke, at sinumang tagapagpangasiwa ng mga buhay na hayop at mga produkto galing rito:
    1. Panatilihing malinis ang pangangatawan at laging maghugas ng kamay matapos humawak sa mga hayop.
    2. Kung maaari ay magsuot ng mga protective gowns, gloves , at face masks kapag humahawak sa mga hayop at mga produktong galing sa kanila.
    3. I-disinfect ang mga kagamitan isa o mahigit pang beses sa isang araw.
    4. Ang sinuot na mga damit ay dapat hubarin at hugasan araw-araw.
    5. Iwasang ma-expose ang iyong pamilya sa hinubad na damit, sapatos, at iba pang kagamitan na maaaring na-contaminate.
    6. Ugaliing iwanan na sa trabaho ang mga labahin at doon na hugasan araw-araw.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *